missUnderstood











{March 19, 2010}   ADOBO

Ang pinakamasarap na adobo ay yung niluto ko habang kinukulit mo ako.  Paulit-ulit, tanong ng tanong kung luto na ba o matagal pa ba.  Gamit ang top of the line na karneng binili natin sa talipapa habang halos malaglag ang panga sa galing magchop ng tinderang siyam lang ang daliri.

Pinakamasarap ang adobong pinakuluan ng matagal sa toyo at sukang nabili natin ng tingi.  Yung may kasamang isang ulo ng bawang na surplus galing Taiwan.  At habang hinihintay na kumulo at maluto ang suka na sa totoo lang ay diluted na muriatic acid ay lalagyan ng dinurog na buto ng papaya na pinilit magpanggap bilang paminta.

Ang pinakamasarap na adobo ay yung adobong nilagyan ng asukal galing sa garapa ng mayonnaise.  Kaunting asukal lang, para may matira pang pangkape pagkatapos nating pagsaluhan ang pinakamasarap na adobong ito.

Pinakamasarap ang adobong niluluto natin habang sumusumpa tayo na di natin yun lalagyan ng betsin, MSG, umami o kung ano pa mang gustong itawag duon ni Rosebud.

Ang pinakamasarap na adobo ay yung na-accidental slow cook sa maliit nating kusinilya.  Gumamit ng karneng ginayat sa sarili nating chopping board, gamit ang sarili nating mapurol na kutsilyo.

Ang pinakamasarap na adobo ay yung niluto sa sarili nating kusina, ng sarili nating bahay.

Di ko alam kung makakatikim pa ba ako ng pinakamasarap na adobo.



et cetera