Masyado ka nang malaki para kargahin ko.
Kagaya nang ginagawa ko dati kapag kinakabag o giniginaw ka.
Pero malaki ka na para yakapin ako at ang malalaking takot ko.
Marami akong ganito at nababatid mo yan tuwing ikakawit mo ang maiigsi mong braso sa aking leeg.
Habang pilit pinagtatag-op ang dalawa mong kamay sa aking batok
Ikaw ang nagpupuno sa mga pagkukulang ko sa iyo
Sa napakarami mong sugat at galos na di man lang nakilala ng mga labi ko.
Ang mga luha sa pisngi mong natuyo na at di ko man lang napahid.
Namamaalam na ako sa kanila, at ang pamamaalam na ito ay pamamaalam ko sa iyong kamusmusang nakalampas sa akin.
Di na sila babalik, kagaya ng mga inosenteng tanong at tawa mo
Di ko na ito maririnig mula sa iyo.
Anak sana ay maunawaan mo kung bakit lagi kong sinasabi na yakapin mo naman ako ng walang kasing higpit.
Dahil lagi kong nararamdaman na parang mababasag ang pagkatao ko.
Tuwing sinasabi mo na kaya mo nang magsintas ng iyong sapatos
O huwag na kitang subuan kapag kumakain.
Nagdadalamhati ako.
Ngayong di ka na musmos at matalas nang mag-isip, sana ay maunawaan mo, sana ay patawarin mo ako. At anak, mahal na mahal kita.
