Sa isang kisapmata
Di ko rin namalayan na
Walang nakapansin
Walang nakapuna
Tanging pasa, galos at bukol na kasinglaki ng holen.
Ang sumasaksi sa mag-isa kong pagkahulog
Sa napakalungkot kong
pagbangon, pag-ahon.
Mula sa malalim na balon (kahit ang palaka ay wala).
Lalo na sa pagtanggi kong
muling umahon.
Paakyat saan? Para muling ano?
Mabilis gumaling ang pasa.
Nagkulay berde, naging violet, at nagbrown.
Samantalang madilim pa rin ang kinasasadlakan ko.
Sa kalaunan, ay mamamaalam na rin ang mga pasa, galos at bukol.
Upang mag-isa kong iunat ang namamanhid kong mga hita
Dumilat sa walang katapusang kadiliman.
At walang gagawin kundi hintayin ang muli nilang pagbabalik
Pagkatapos ng susunod na isang kisapmata.
